Para sa Pilipinas, nagsimula ang ideya ng paghihiwalay ng estado at simbahan noong pinamunuan tayo ng mga Amerikano. Matagal ng umiiral ang pagkakahiwalay na ito sa buong Amerika. Sabi nga ni Thomas Jefferson,
Ang bakod na naghihiwalay sa simbahan at estado ay kinakailangang mataas at mahirap pasukin.
Noong panahon nga ng dating pangulong Quezon, pilit kinamit ng bansa ang absolutong pagkakahiwalay. Walang humpay na iginigiit ng mga nasa puder ng estado na wala silang anumang dapat pagkaabalahan sa mga gawain ng simbahan. Taliwas sa nakikta natin ngayon, ang mga pulitiko noon ay pilit umiiwas sa mga pagtitipong nakalaan para sa simabahan. Sa kabila ng pagsisikap noon nila Quezon, nilinaw naman nila ang kanilang intensyon. Iniiwasan lang ng gobyerno ang pagbibigay ng espesyal na suporta sa isang relihiyon. Sa kabila ng lahat, batid nila ang kahirapang ilahad ang absolutong pagkakahiwalay na kanilang minimithi.
Sa aking palagay, maaaring maiuugat ang pagkalitong mabatid ang bakod ng pagkakahiwalay sa katotohanang ang indibidwal na kasapi ng estado ay bahagi rin ng simbahan. Ang anumang pinagkakaabalahan nating bilang isang mamamayan ay isang ring gawaing tugon natin sa tawag ng simbahan na pag-aakma ng ating mga partikular na Ordo Amoris sa wagas na kaayusan ng pag-ibig. Sa isang banda, parang walang problema dahil sa isang pagkilos ko lang, nakatutugon ako sa simbahan at estado. Subalit, hindi rin naman maiiwasan ang mga pagkakataong magkaiba ang inuutos ng dalawa. Halimbawa na lang ang isyu ng pagplaplano ng pamilya gamit ang mga artipisyal na pamamaran. Sino ngayon ang susundin ko? Batid ni John Newman na sundin ang utos ng dalawang institusyon bagamat hindi mo binibigay ang isang absolutong pagsunod. Marahil, binibigyang halaga ni Newman ang kahalagahan ng sariling pagdedesisyon sa mga ginagawang pagsunod dahil na rin ang pagpapakatao ay isang mapagpalayang proseso ng pagkakita ko sa aking sariling halagang-esensya na siyang basehan ng aking mga nagiging desisyong tumutungo sa mas matataas na halaga. Sa huli, importante kasing malaman kung saan at kailan ko kinakailangan ang estado o ang simbahan upang matuldukan na ang pagkalitong ito.
Sa encyclical na Immortale Dei ni Pope Leo XIII, binanggit niya na ang tungkulin ng estado ay natutuon sa mga aspetong may kinalaman sa kaayusan ng madla. Gagawin ng estado ang mga pagtulong sa kanyang mga nasasakupan na laging isinasaalang-ala ang pagkakapantay-pantay. Nagkakaroon ang bawat indibidwal ng patas na pagkakataon sa kanilang mga materyal na pangangailangan na ginagamit nila sa kanilang pagkilos tungo sa mas mataas na halaga.
Sa kabilang banda, nasasaad din sa parehong encyclical ni Pope Leo XIII na ang tungkulin ng simbahan ay natutuon sa mga aspetong may kinalaman sa pagkasalba ng mga indibidwal at pagsasakatuparan ng mga banal na sakramento. Sa madaling salita, ipinagkakatiwala sa simbahan ang ispiritwal na kalagayan ng bawat indibidwal. Kung sa gayon, nalulugar ang mga ginagawang pagpuna, paggabay, at pagwasto sa mga bagay na pinagkakaabalahan ng lipunan na natutuon sa ispiritwal na halaga. Pinagtutuunan ng simbahan ang pagpapakatao ng bawat indibidwal at hinihikayat nitong abutin ang mas mataas na mga halaga na madalas nalilimutang ipaalala ng estado dahil sa kawalan nito ng direktang koneksyon sa wagas na Ordo Amoris.
Matapos ang nagawa kong paghahambing, masasabi kong parehong pinagkalooban ang simbahan at ang estado ng kapangyarihan. Pareho nilang nilalayon ang pagpapakato ng indibidwal bagamat hinahamon tayo ng simbahan na tunguhin ang mas mataas na nibel ng pagpapahalaga. Sa pagkakatulad na ito pumapasok ang tanong na, bakit hindi na lang sila pag-isahin?
Sasagutin ko na lang ito mula sa konteksto ng Pilipinas at sa aking mga naging karanasan sa pamumuno. Kung susuriin mo lang ang preamble ng ating kasalukuyang konstitusyon, malinaw na makikita ang “pagkakaisa” ng simabahan at ng estado.
“We the sovereign people, imploring the aid of the almighty…. do ordain and promulgate this constitution.”
Pero, hindi ba namamyani ang isang sapawan sa halip ng pagkakaisa? Sino ba talaga ang sinusunod ko?
Ang pagkalimitadong katangian ng tao ang nagtutulak sa aking hilingin ang pagkakahiwalay ng simbahan at estado. Subalit, hindi ko hinihiling ang isang absolutong pagkakahiwalay tulad ng kay
Nagkakaroon ng sapawan dahil sa pamamayani ng mga maling ethos ng mga taong may hawak ng mga pusisyon at kawalan ng diyalogo sa pagitan ng simbahan at estado. Para sa mga indbidwal tulad ko, nangyayari ang pagkalito sa kung sino ang dapat kong sundin, dahil ako mismo ay hindi natuon sa aking pagpapakatao. Madalas, hindi ko makita ang aking halagang-esensya kaya hindi ko matugunan ang tawag tungo sa matataas na mga halaga. Sa huli, hindi ko alam kung kanino lalapit at sinong pakikinggan.
Talasanggunian
Coquia, Jorge. Church and State Law Relations, 3rd ed.
Drinan, Robert, et al. The Wall between Church and State,
No comments:
Post a Comment